Ilang taon na ang nakakalipas nang mangyari ito.. noong nagtatrabaho pa ako sa call center
Madalas, sabay-sabay kaming nagla-lunch break ng mga ka-team ko. 9pm-6am ang shift. Pero bilang working student, may pagkakataon na nagrerequest ako ng ibang schedule na naiaayos naman agad. Lalo na kung kelangan ko pumasok sa school nang mas maaga, o kung gagabihin ako sa mga school works. Pag ganun ang nagyari, minsan wala akong kasabay mag-lunch break sa team mates ko
Nung nangyari ito, nagrequest ako ng mas late na pasok sa trabaho dahil may mga tinapos kami ng mga kaklase ko.
So pumasok ako sa trabaho na normal lang lahat. Nauna na maglunch break ang mga ka-team ko habang nasa calls pa ako.
Nagkataon din na wala akong nakasabay na ibang team sa lunchbreak ng requested schedule ko. Pumunta ako sa cafeteria. Pero di ko gusto yung mga putahe nung gabi na yun kaya nagdesisyon akong lumabas ng building para kumain sa restaurant o fast food.
Nasa 9th floor kami. Sakop din ng company namin ang 7th at 8th floors. Ang 5th at 6th floors ay parang ginagawa pa lang para sa bagong lilipat na company kaya walang tao at madilim doon tuwing gabi. May ibang companies sa 2nd, 3rd at 4th floors at karaniwan, pagbukas ng elevator may guwardiya agad na makikita.
Pumunta ako sa elevator at pinindot ang G. Sigurado ako na G yun.. Ground.
Bumaba ang elevator pero kung sa anumang dahilan ay huminto yun at bumukas sa 5th floor. Kinilabutan ako at nanlamig. Napakadilim. Pinindot ko ang close dahil alam ko na wala namang tao doon pero ayaw magsara. Ewan kung gaano katagal yun. Pero sobrang tagal. Pinikit ko na lang ang mata ko at patuloy na pinipindot ang close. Sa wakas, sumara ang pinto. Pero bigla itong umakyat pabalik sa 9th floor. Lalabas sana ako pero hindi bumukas ang pinto. Pinipindot ko yung open pero wala talaga kaya pinindot ko na yung emergency call.
Gumalaw ulit ang elevator kaya tinigil ko ang pagpindot. Pero tumigil ulit ito at bumukas sa 4th floor. Pagbukas ng pinto ng elevator, nakita ko ang guwardiya na nanlaki ang mata at parang binuhusan ng malamig na tubig habang nakatingin sa direksyon ko.
Nang magsimulang sumara ang pinto, nakita ko ang tayo ng guwardiya na parang natataranta ang mga binti niya pero nakatingin pa rin sa direksyon ko. Nakita ko rin na tumalikod siya at parang tumakbo hanggang tuluyan nang sumara ang elevator.
Umakyat ulit ang elevator. Hindi na ako mapakali at kanina pa mabilis ang tibok ng puso ko. Huminto na naman ito. 5th floor. Pumikit ako ulit sa takot. Gusto kong sumandal, tumalikod, o kaya maupo sa sahig at magtakip ng mukha pero di ko magawang igalaw kahit anong parte ng katawan ko dahil sa kaba.
Bumukas ang elevator, sumara ulit, saka lang tuluyang bumaba. Sa wakas narinig ko ang ingay ng mga taong nag-uusap. Dumilat ang mata ko. Sa wakas ay nakababa na ako sa Ground floor.
Anong nangyari? Hindi ko alam.
Ikinuwento ko sa mga ka-team ko ang nangyari. Isa sa kanila ay may edad na. Binanggit niya na marami ang kakaibang kwento sa site kung saan nakatayo ang building namin. Sa malapit lang siya nakatira, at aniya, parte ito ng dating sementeryo.