Category: Lifestyle

Sa Jeepney

Pauwi ako galing sa trabaho. Habang tahimik akong nagse-cellphone, biglang may umakyat na bata sa jeep na sinasakyan ko at nag-abot ng papel na’to..

Siguro, kahit sinong nagji-jeep eh pamilyar na sa ganitong experience. Itinago ko agad ang cellphone ko (pagkatapos ko kunan ng litrato) at hinawakan ng maayos ang bag ko. Yung kasama niya, nakaupo lang sa pinto ng jeep at nagtatambol ng lata ng gatas. Yung batang nag-abot ng papel naman ang kumanta kaya lang hindi ko maintindihan ang lyrics.
Naalala ko tuloy noong mga unang araw ko sa Taft. May sumakay na bata sa jeep at bigla na lang pinunasan ang sapatos naming lahat na mga pasahero. Dahil baguhan sa kalakaran sa Taft, naantig ang puso ko sa bata kaya nagbigay ako ng pera. Hindi man lang nagpasalamat ang bata tapos bumaba na.
Saka nagsalita ang mga kapwa ko pasahero.
“Kaya namimihasa ang mga yan kasi marami ang nagbibigay.”
“Dapat hindi na yan binibigyan. Ipambibili lang yan ng rugby.”

Minsan naman, nakasakay din ako sa jeep sa Taguig nang may sumakay na dalawang batang babae. Yung mas maliit na bata ang kumanta habang yung ate ang nagbibigay ng sobre. Hindi ako nagbigay ng pera. Nung kinokolekta na yung mga sobre, iniabot ko ang isang pack ng sky flakes. Nasagasaan ata ang pride ni ate na naghahanapbuhay, kaya ayun… itinapon sa mukha ko yung sky flakes.

Noong nasa Makati naman ako, may binatilyong umakyat sa jeep at nagpunas ng sapatos namin.. Yung katabi ko, ibinigay na yung isang donut na sobra sa kinakain niya. Nagpatay-malisya ako kasi wala ako balak magbigay. Tinitigan ako ng masama nung lalaki. Minura niya din yung matandang babae na nasa harap ko. Natakot ako kasi medyo malaki ang katawan nung namamalimos na yun..

Balik sa present..
Ipinasa ko yung papel sa katabi kong pasahero para siya na ang magbalik doon sa bata. Tapos tumingin ako sa labas ng jeep at nagpanggap na malalim ang iniisip.

Bumaba naman nang payapa ang mga bata. Noon nasabi ko sa sarili ko: sa wakas, may nagawa na yata akong tama sa jeep.

 


©2005 | J.E. Orolfo | All rights reserved