Hawak ko ang cellphone ko. Hindi ko alam kung paano nangyari, pero nabuksan ang games.. May attack na nangyayari. Maingay. Rinig na rinig ang giyera. Nainis yung isang babaeng mahaba ang buhok. Kinuha ang cellphone ko at inilayo sa akin. Hindi niya ako ginising, pero alam niyang binabangungot ako. Gusto ko mag-ingay para may gumising sa akin. Nagpakawala ako ng boses Narinig ko na may nag-uusap sa labas ng kwarto. Isang babae din, pero hindi ko alam kung sino ang kausap niya. Gusto nila ako gisingin pero hindi nila alam kung paano dahil nasa labas sila.
Naigalaw ko ang paa ko.. Inaabot ko ang electric fan. Ilalaglag ko yun para may magising at mapansin ako. Nakita ng babaeng mahaba ang buhok ang gusto kong gawin. Naiinis siya dahil lalo akong mag-iingay kapag nailaglag ko yun.
Ang kanang kamay ko ay nasa ulo. Ang kaliwa ay nasa tyan. Hinawakan ng babae ang kanang kamay ko at idiniin sa ulo ko. Kunwari ginigising niya ako, pero binulungan niya ako na matulog na daw ako ng tuluyan. Masakit sa tenga ang hangin na dala ng pagbulong niya. Tumatagos sa buong ulo ko, parang kayang lumabas sa kabilang tenga ko. Yung isang kamay niya ay dumidiin na din sa kanang tagiliran ko. Masakit, parang tumatagos sa katawan ko ang kamay niya. May kausap siya.
“Patulugin na natin ito nang totoo? Yung totoong tulog na talaga”, sabi niya sa kausap niya.
Nasasaktan ako sa diin ng kamay niya Nararamdaman ko bawat pintig ng puso ko. Gusto ko magpumiglas pero hindi ako makagalaw. Nasipa ko ang electric fan.
Isang mas malakas na hiyaw at nagising na ako.
P.S. Hindi ako naglalaro sa cellphone at walang games sa cellphone ko. Maliban sa call, naka-silent ang lahat ng notifications ng cellphone ko kapag gabi.
